Napapanahong katanungan sa napapanahong isyu na sa kasalukuyan ay nararanasan nating mga mamamayan, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. At sa mga susunod na taon ay lalo pang tataas kung hindi natin ito tututulan.
Nakaasa ang ating enerhiya sa langis. Kaya nga kapag tumaas ang presyo nito, kasabay na tataas ang presyo ng mga bilihin, kuryente, tubig, pamasahe , serbisyo at iba pa. Ang kuryente, makinarya, maging ang gamit sa pagsasaka at pangingisda, at maging pampublikong transportasyon ay apektado. Kaya nga tumitindi ang hirap ng mamamayan sa tuwing tataas ang presyo ng langis.
Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay nangangahulugan ng patuloy na pagpapahirap sa mga mamamayan, magsasaka, manggagawa, at maging ng mga tsuper ng pampublikong transportasyon. Hindi sapat ang kanilang kinikita para matustusan ang kanilang pamilya.
Sa kabila ng mga panawagan na mag roll back ng presyo ng langis, nagtuluy-tuloy ang pagtaas nito. Hindi rin sapat ang ginagawa ng pamahalaan para sa pagtuklas ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.
Isa sa mga pamamaraan upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis ay ang pagre-regulate ng pamahalaan sa presyo nito, pag basura sa oil deregulation law, at pagsasabansa ng industriya ng langis.
Nagpanukala ang IBON foundation ng pitong reporma na pamalit sa deregulasyon:
1. Sentralisadong pagbili ng imported na langis.
2. Palitan ng kalakal at iba pang di-tradisyunal na kalakalan.
3. Pondo na sasalo sa anumang biglaang pagtaas.
4. Pagbili muli ng gobyerno sa Petron.
5. Aktibong pagpasok ng gobyerno sa pagre-refine ng langis.
6. Pagtiyak na makatwiran ang presyo sa gasolinahan
7. Kontrol ng estado sa paghahanap, pagmimina, pagpapaunlad at paggamit ng langis.
Ngunit ang higit pa ring mapagpasya ay ang pagkilos ng mga mamamayan, katulad ng isinasagawang transport strike. Bagamat sinasabi sa mga balita na hindi gaanong naka apekto ito sa mga tao ngayong araw, ang mahalaga pa rin sa aking pagtingin ay ang pagpapakita na maraming mamamayan ang tumututol at sumusuporta sa transport strike. Hindi naman layunin ng transpost strike na ito na paralisahin, isabotahe, at guluhion ang pang araw-araw nating gawain, nais ng mga tsuper na ipakita ang tunay nilang nararanasan at saloobin sa isyu ng pagtaas ng presyo ng langis.
Tagumpay kung gayon para sa mamamayan ang maipakita na sa pamamagitan ng mga ganitong pagkilos, nagkakaroon ng malawak na opinyong publiko hinggil sa usapin ng langis. Mailunsad ng maayos ang kanilang pagkilos sa kabila ng mga batikos at pananakot ng pamahalaan na may mga elementong manggugulo sa kanila, at sa hindi pagsama ng mga malalaking transport groups na hindi matibay ang liderato at madaling sumuko lalo na at ang mga pinuno naman nila ay hindi nararanasan ang krisis na tinatamasa ng mga tsuper sa pampublikong transportasyon.
No comments:
Post a Comment