Mula ng pumutok ang balitang may mga Pro-administration Congressmen na naghahangad na mapatalsik si Speaker Joe De Venecia sa Mabanag Kapulungan, mabilis na kumalat ang balita. Mula sa mga dyaryo, telebisyon, radyo, hanggang sa text, internet, mga chat rooms. Hindi na bago ang ganito, marami naman talagang nagtatangka na makopo ang inaasam-asam na Speakership ng House of Representatives. Mahigit anim na buwan na ang nakakaraan July 2007 ng tangkaing maalis sa liderato ng Kongreso si JDV. Siyempre hindi ito nangyari, dahil nasa kanya ang bilang, sabi nga nila sa kongreso "It's a numbers game", basta nasa iyo ang bilang ng maraming kinatawan sa kongreso panalo ka. Ganito palagi, noong impeachment kay GMA palaging nababasura dahil marami sa mga kongresista ang kaalyado ng administrasyon, at ayaw na matuloy ang impeachment laban sa pangulo. Nagkakaisa ang mga pro-administration congressmen and women laban sa mga kritiko ni GMA. Ayaw nilang malaman ang katotohanan, ayaw nilang ipaalam sa mga mamamayan ang tunay na naganap sa mga alegasyon ng dayaan noong 2004 at 2007 elections, ang nangyari sa fertilizer funds, mga maanomalyang transaksyon na pinapasok ng pamahalaan, ang ZTE NBN Deal, Diosdado Macapagal Boulevard, Cyber Education Project, alegasyon ng korupsyon, mga pagpatay sa mga kritiko ng administrasyon at mga aktibista. Basta mga alegasyun at akusasyon laban kay GMA, solidong solido talaga sila, handa nilang ipaglaban si GMA. Isa para sa lahat, lahat para sa isa, pwede din namang lahat para kay GMA. Lahat para pagtakpan si GMA. Numbers game nga e. Si JDV siyempre solidong kasama nila, solidong GMA.
Pero nitong mga nakaraang linggo, maingay talaga ang balitang patatalsikin si JDV ng mga pro-administrasyong kongresista. Lumitaw ang pangalan ni Rep. Prospero Nograles, Magkapatid na Rep. Juan Miguel "Mikey" Arroyo at Rep. Diosdado "Dato" Arroyo na mga namumuno sa hakbangin na ito. Na mariin namang pinabulaan ni Rep. Nograles, samantalang ang magkapatid na Arroyo patuloy ang pagdadaos ng mga pagpupulong kasama ang ilang mga kongresista. Ito ay sa kabila ng pagpapakita ng suporta ni GMA kay JDV kahit noong nasa Davos Switzerland pa siya at dumadalo sa World Economic Forum.
Hanggang sa tuluyan na ngang sumambulat sa mga mamamayan ang bitak sa sinasabing solidong Coalition ng LAKAS at KAMPI. Nasaksihan ng lahat kung paano magkaisa ang mga pro-administration na mga kongresista hindi laban sa mga kritiko ng administrasyon, hindi laban sa minorya at oposisyon, kundi laban sa kanilang kasamahan sa administrasyon, laban kay JDV. Ayaw ng mga elitistang kongresista na nagnanais na higit pang mapalakas ang kapangyarihan ng Malakanyang sa loob ng kongreso. Kalokohan ang sinasabing reporma o pagbabago na nais nilang gawin kaya pinatatalsik si JDV, magkakapareho lang sila ng agenda, siyempre iwan na naman sa ere ang mga mamamayan. Sila sila lang ang makikinabang sa kanilang ginagawa, maraming mga mahahalagang panukalang batas na kailangang pagtuunan nila ng pansin, ang 125 across the board wage increase, ang Genuine Agrarian Reform Bill, maraming mga dapat na pinagtutuunan, dapat na imbestigahan, tumitinding paglabag sa karapatang pantao, pamamaslang sa mga aktibista at media, militarisasyon sa kanayunan. Maraming mamamayan ang naghihirap, sa kabila ng pinagmamalaking pag-unlad ng ating ekonomiya. Ito sana nag kanilang inaatupag at hindi ang kapritso ng Malakanyang at ng mga anak ng pangulo para sa pagpapatalsik kay JDV, awayan nila sa pulitika na idinadamay ang mamamayan.
Kung totoong nais ng bagong liderato ng kongreso ng pagbabago, umpisan nila na tumugon sa hinain at panawagan ng mga mamamayan. Umpisahan nilang linisin ang madungis na pangalan ng kongreso, umpisahan nilang imbestigahan ang mga alegasyon kay GMA. Yan ang ating aabangan na susunod na mga kabanata.
No comments:
Post a Comment